Mister tumalon mula 6th floor matapos ihulog si mi

Matapos ang mainitang pagtatalo ng mag-asawa, ipinasya ng isang 26-anyos na lalaki na tapusin ang kanilang buhay makaraang ihulog nito mula sa ikaanim na palapag ng gusali ang kanyang maybahay at pagkatapos ay sumunod itong nagpatihulog.

Kinilala ni Chief Inspector Johnny Taluban, ng WPD-Homicide Section ang nasawing mag-asawa na sina Noriel Gregorio at ang misis nitong si Maricel, 21, kapwa ng 2501 Tenement, Vitas St., Tondo, Manila.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-12:50 ng tanghali mula sa ikaanim na palapag ng nabanggit na tenement building.

Nabatid sa ilang nakasaksi sa pangyayari na kamakalawa pa ng gabi hanggang kahapon ng umaga ay narinig nilang nag-aaway ang dalawa sa hindi pa malamang dahilan.

Idinagdag pa ng mga saksi na nakita na lamang nila si Gregorio na nasa ika-anim na palapag ng tenement building at karga-karga ang kanyang nagpapapalag na asawa.

Nabatid na ikinagulat ng mga saksi nang biglang ihulog ni Gregorio ang asawa at ilang sandali pa ay nangisay na ito sa lupa. Pagkatapos nito ay nagpatihulog din ang lalaki na bumagsak sa lupa una ang ulo na naging dahilan rin ng kanyang pagkasawi.

Anim na anak ang iniwan ng dalawang nasawi. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments