2 pulis, 4 pa huli sa pot session

Anim katao, kabilang ang dalawang pulis ang inaresto ng mga tauhan ng Central Police District-Anti-Narcotics Unit makaraang aktong nahuling nagpa-pot session kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Kinilala ni CPD Director Chief Supt. Rodolfo Tor ang mga naarestong pulis na sina SPO4 Alfredo Asuncion Jr., may asawa, nakatalaga sa PRO-CAR Headquarters sa Camp Olivas ng Officers Village, Camp Olivas, San Fernando, Pampanga at si PO2 Ricarte Pajarito, 30, nakatalaga naman sa Regional Mobile Group ng NCRPO at nakatira sa #7 Bunting St., Midtown Subd., San Roque, Marikina City.

Ang iba pang nadakip ay kinilala namang sina Roberto Buksh; Joel Cabonita, 31; Agripino Botoon, 45; at Elma Miranda, 18.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, isinagawa ang drug bust operation dakong alas-2:05 ng madaling-araw sa bahay ng suspected shabu pusher na si Buksh sa Lt. J. Francisco St. sa nasabing lungsod.

Isang pulis, si PO1 Ireneo Caddelina ang nagpanggap na buyer at bumili ng tatlong sachet ng shabu kay Buksh na noon ay nasa labas ng kanyang bahay.

Nang akmang iniaabot na ang ‘bato’ sa pulis, biglang naglabasan ang grupo ni Supt. Alfredo Roxas, hepe ng Anti-Narcotics Unit ng CPD Station 9 at tinangkang tumakas ang suspect na si Buksh pero ito ay nakatakbo papasok ng kanilang bahay.

At nang pasukin ng mga DEU agents ang bahay ni Buksh, nadatnan nila roon ang dalawang pulis na sina SPO4 Asuncion at PO2 Pajarito kasama ang apat pa na abala sa pagsinghot ng usok ng shabu. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments