Rambol ng lasing: 1 patay, 2 sugatan

Isa ang patay, samantalang dalawa pa ang malubhang nasugatan matapos na magtalo ang mga ito habang nag-iinuman tungkol sa pulitika kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Namatay habang ginagamot sa Ospital ng Caloocan sanhi ng isang malalim na saksak sa dibdib at katawan ang biktimang si Anastacio Abrera ng Abes Compound, Sangandaan, ng nasabing lungsod, samantalang nasa kritikal na kondisyon sa Jose Reyes Memorial Medical Center sina Pablo Erero, 28, at Christopher Robadia, 25, na kapwa kapitbahay ng nasawi.

Base sa imbestigasyon ni SPO1Antonio Paras ng Station Investigation and Intelligence Division (SIID), dakong alas-8 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng compound ng mga biktima.

Bago maganap ang insidente, ang nasawi ay galing sa pakikipag-inuman sa labas ng kanilang compound at habang papauwi ito ay nadaanan ang grupo nina Erero at Robadia na noon ay nag-iinuman din.

Dito nakitumpok umano ang nasawi at habang nag-iinuman ay bigla na lamang napadako ang kanilang usapan sa proklamasyo ni Caloocan City Mayor Reynaldo Malonzo.

Napag-alaman na hindi umano pabor ang nasawi sa proklamasyon ni Malonzo kung kaya’t nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mga ito na humantong sa biglang pagbunot ng patalim ng dalawa at kaagad na sinaksak si Abrera na nagbunot din naman ng kanyang baril at pinagbabaril sina Erero at Robadia. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments