Amerikanong turista kinatay sa hotel

Basag ang bungo, binigti ng kable sa leeg at tadtad ng saksak sa katawan nang matagpuan ang isang Amerikanong turista sa loob ng banyo ng isang hotel sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang nasawing biktima na si Bart Suretsky, 65, retiradong guro buhat sa New Jersey at pansamantalang naninirahan sa Room 2003 ng Alpha Grand View Hotel na nasa 1716 M.H. del Pilar St. Ermita, Manila.

Base sa imbestigasyon, ay may ilang taon ng pabalik-balik sa bansa si Suretsky at kasalukuyan nang inaayos ang kanyang mga papeles para maging isang Filipino citizen at ang nasabing hotel ang madalas niyang tuluyan.

Isang kaibigang nagngangalang Rafael Guerrero ang nakatuklas sa bangkay ng biktima sa loob mismo ng banyo ng kuwartong tinutuluyan nito dakong alas-11 ng gabi kamakalawa.

Sinabi ni Guerrero na ilang ulit niyang sinikap na tawagan ang biktima sa cellphone subalit hindi ito sumasagot kaya minabuti nito na sadyain na lamang nang personal ang kaibigan.

Nagulat na lamang ito nang mabungaran sa loob ng comfort room ang duguang biktima.

Sinabi naman ng ilang staff sa naturang hotel na madalas na umuwi ang dayuhan na may kasamang mga kabataang lalaki kaya nga pinaniniwalaang isa itong bading na kumukuha ng mga bayarang callboy sa labas.

Hinihinalang hindi lamang isa ang may gawa sa pagpaslang sa biktima.

Isang masusing imbestigasyon pa ang isinasagawa ng pulisya ukol dito. Inaalam din ng mga awtoridad kung may nawala sa mga personal na gamit ng nasawi. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments