Kasabay ng ipinalabas na preventive suspension ng Ombudsman, inirekomenda kahapon ng Task Force Manor sa Fact Finding and Investigation Bureau (FFIB) ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa mga kawaning sina City Engineer Alfredo Macapugay, Donato C. Rivera, Romualdo Santos, Severino T. Mariano, Rafael Galvez, Romeo Montallana at Gerardo Villaseñor.
Kasama sa mga kinasuhan sina Insp. Reynaldo Simpao, Manuel S. Baduria Jr., Ricardo Lemence, Carlito Romero at Teodorico S. Gaela, pawang mga kawani ng BFP.
Ang mga nabanggit na kawani ay walang matatanggap na sahod sa loob ng anim na buwang suspensyon.
Ayon sa isinumiteng ulat ng FFIB kay Ombudsman Aniano Desierto, may sapat na dahilan upang ipagharap ng nasabing kaso ang mga nabanggit na kawani dahil sa hindi umano natugunan ng mga ito ang kanilang responsibilidad para inspeksyunin ang Manor Hotel.
Nabatid na mula sa rekord na isinumite sa FFIB, ang pinakahuling permit ng Manor Hotel ay mayroong petsa na Pebrero 14, 2000 dahilan upang ituring na illegal ang operasyon ng nasabing hotel.
Sinabi pa ng Ombudsman na base na rin umano sa mga matibay na ebidensya laban sa mga nabanggit ay posibleng tuluyang matanggal ang mga ito sa trabaho.
Samantala, inatasan ni Asst. Prosecutor Alfredo Agcaoili ang mag-asawang William at Rebecca Genato, may-ari ng nasunog na hotel na magsumite ng kanilang counter-affidavit sa Setyembre 12 para sa ikatlong preliminary investigation.
Bukod sa mag-asawang Genato, pinagsusumite rin ang pitong incorporator ng hotel na sina Forferio Germina, Marion Fernandez, Dionisio Cua Arengino, Antonio Beltran, Candelaria Aranador, Ofelia Alberto at Alma Santos. (Ulat nina Grace Amargo,Rose Tamayo,Doris Franche at Jhay Mehias)