3 lalaki nalunod sa ilog

Tatlong kabataang lalaki ang namatay matapos na malunod sa isang ilog sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Ang mga biktima ay kinilalang sina Benedict Torneros, Ismael Ponseca at Danny Boy Lopez, Jr. Sila ay sinasabing nalunod sa malalim na bahagi ng Casili creek sa Brgy. 19 nasabing lungsod matapos na maglaro umano ng bola doon.

Sa report, bandang alas-11 ng gabi nang mamataan ang mga lulutang-lutang na bangkay nina Torneros at Ponseca sa nasabing creek subalit ang labi ni Lopez ay patuloy na pinaghahanap.

Sinasabing bago naganap ang insidente ay nakitang naglalaro ang mga biktima ng bola hanggang sa aksidenteng maihagis ito sa ilog.

Hindi naman alintana ng mga biktima na malalim ang ilog hanggang sa lumusong ang mga ito hanggang sa hindi na umahon.

Gayunman, inaalam ng awtoridad ang katotohanan sa ugat ng pagkasawi ng mga biktima kung may foul play ito. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments