Holdaper napatay sa engkuwentro

Isang holdaper ang napatay habang nakatakas ang dalawang kasamahan nito matapos na umano’y makipag-enkuwentro sa mga operatiba ng Central Police District habang hinoholdap ang isang 40-anyos na empleyada sa Baesa, Quezon City kahapon ng hapon.

Ayon kay Supt. Rosendo Franco, hepe ng CPD-Station 3, naganap ang barilan dakong alas-2:20 ng hapon habang naglalakad pasakay sa kanyang sasakyan ang empleyadang si Zenaida Bantugan, ng Advance Paper Mills Corporation makaraang makapag-withdraw sa Banco de Oro na may sangay sa Tandang Sora at matatagpuan sa Quirino Highway, Jordan Subd., Brgy. Baesa, ng P1 milyong pampasuweldo sa mga empleado ng nasabing kumpanya.

Ayon sa pulisya, biglang hinarang ng tatlong suspect sakay ng isang motorsiklo ang biktima at pilit na inaagaw ang dalang bag nito na naglalaman ng nasabing halaga.

Nagsisigaw naman ni Bantugan sanhi upang maka-agaw pansin sa dalawang pulis na sina SPO2 Sotero Basilio at POl Tino Portillio na naka-sibilyan sakay ng isang private vehicle na nagpapatrolya umano sa nasabing lugar.

Sinita umano ni Basilio ang mga suspect ngunit pinaputukan umano ito dahilan ng pakikipagpalitan ng putok ng dalawang nabanggit na pulis.

Natamaan ng punglo ang isa sa mga suspect na tinatayang nagkaka-edad ng 35-45, nakasuot ng gray polo at maong pants sanhi ng kanyang kamatayan habang mabilis namang tumakas sakay ng nasabing get-away vehicle ang dalawang kasamahan nito patungong Novaliches.

Nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang mga kagawad ng CPD laban sa mga nakatakas na suspect. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments