Pharmacist ipinaglaban ang cellphone, ginilitan ng babaeng holdaper

Isang 22-anyos na pharmacist ang nasa kritikal na kalagayan matapos itong gilitan nang tumangging ibigay ang kanyang cellphone sa isang babaeng holdaper, kahapon ng umaga sa Malabon City.

Si Hazel Profogo, ng 192 San Diego St., Canumay, Valenzuela ay kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon sa Ospital ng Malabon matapos na gilitan ng suspect na nakilalang si Edna Batac ng Catmon, Malabon.

Lumabas sa isinagawang imbestigasyon ni PO2 Redentor Mantala ng Malabon police, naganap ang insidente dakong alas-6:10 ng umaga sa kahabaan ng Gov. Pascual St., malapit sa Francis market habang sakay ang biktima ng isang pampasaherong jeep.

Napag-alaman na bigla na lamang tinutukan ng suspect ng patalim ang biktima at saka inihayag ang holdap. Kaagad na nilimas ni Batac ang pera at mga alahas ng biktima, gayunman nang kukunin na nito ang cellphone ng biktima ay bigla na lamang nanlaban ang huli na ikinagalit ng suspect.

Biglang ginilitan ng suspect ang biktima at pagkatapos ay mabilis na itong tumakas dala pa rin ang cellphone ni Profogo.

Gayunman hindi nakalayo ang suspect at nadakip din ng mga awtoridad. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments