Sinabi ni Police Community Relations Chief P/Director Thompson Lantion, kasalukuyan na umanong pinag-aaralan ng PNP at DILG ang naturang hakbangin, partikular ang mga departamento na kinakailangang palitan ng hepe upang higit na mapagbuti ang serbisyo sa publiko.
Gayunman, tumanggi si Lantion na pangalanan ang mga papalitang opisyal sa dahilang posible umano itong maudlot bunsod na rin ng patuloy na pag-aaral dito ng Senior Officers Promotions and Placement Board (SOPPB).
Una rito, inihayag ni DILG Secretary Joey Lina na nakatakda nilang sibakin ang mga police officials na nakatalaga sa mga lalawigan na itinuturing na balwarteng lugar ng mga jueteng operators dahil sa kabiguan ng mga ito na makontrol ang nasabing ilegal na aktibidades.
Ipinahayag ni Lina na ipapatupad ang revamp anumang araw ngayong linggo.
Base sa listahan ng PNP at DILG, target ng nasabing revamp ang lahat ng police chiefs, city at district commanders, provincial at regional directors. (Ulat ni Joy Cantos)