Droga nasabat sa NAIA

Isang shipment na naglalaman ng may 60 gramong shabu na hinihinalang pag-aari ng international drug syndicate na gumagala sa Ninoy Aquino International Airport(NAIA) ang nasabat ng mga operatiba ng nasabing paliparan sa pamamagitan ng handicraft "test shipment".

Natuklasan ng pinagsanib na elemento ng Customs Intelligence and Aviation Service ang nasabing high grade na shabu na may market value na P1 milyon na nakabalot sa apat na piraso ng carbon paper na nakapaloob sa coconut handicraft na korteng unggoy sa pamumuno nina Fernando Tuason at Oscar Ablan kasama ang PNP-Aviation Security Group K-9.

Ayon kay Tuason, ang shipment na naka-consigned kay Joselito Orense na may postal address – c/o De Robert Salzature SRL via Constantina No. 4-35020 Saonara Padova, Italy ay nakatakdang ipadala sa UPS cargo warehouse nang matuklasan.

Sa pamamagitan ng sniffing operation ng mga K-9 dogs ng PNP-ASG sa pamamahala ni Supt. Julius Geedana nakumpirmang naglalaman ng droga ang bagahe na umano’y ipapadala kay Orense ng isang Vic C. Adami ng 3332 Apitong St., United Parañaque Subd., Parañaque City. (Ulat ni Butch Quejada)

Show comments