Namatay habang ginagamot sa Ospital ng Makati ang biktimang si Antonio Gane, 40, ng 156 Reposo St., Brgy. Guadalupe Nuevo, sanhi ng ilang tama ng saksak na tinamo sa katawan.
Tumakas naman ang suspect na si Eugenio Britanico matapos ang isinagawang pamamaslang.
Ayon kay PO1 John Ramirez, ng Makati City Police Homicide Unit, naganap ang insidente dakong alas-11 ng gabi sa Reposo St., Brgy. Guadalupe Nuevo ng naturang lungsod.
Nabatid na pauwi na ang magkaibigan sa kanilang mga bahay matapos mag-inuman sa isang beerhouse. Dahil sa sobrang kalasingan ng suspect ay bumagsak ito sa kalye hanggang sa tuluyang makatulog.
Nagmalasakit naman ang kaibigan nitong biktima na huwag iwan ang suspect na pinagpahinga pa niya ng may ilang minuto.
Makalipas ang ilang sandali ay ginising ng biktima ang suspect para tuluyan nang makapagpahinga sa kanilang bahay subalit nagalit ang suspect na biglang bumunot ng balisong at limang ulit na inundayan ng saksak ang kanyang kaibigan. (Ulat ni Lordeth Bonilla)