Iniharap kahapon kay DILG Secretary Joey Lina at Caloocan City Mayor Reynaldo Malonzo ang suspect na kinilalang si Alex Ilagan, 32, tubong Bungabon Oriental Mindoro at walang permanenteng tirahan dito sa Maynila.
Ang suspect ay naaresto ng magkakasanib na elemento ng Caloocan City Police at ng binuong Task Force Tadao sa hide-out nito sa Floodway, Pasig City.
Sa isinagawang interogasyon sa suspect, napag-alaman na isa itong partime masseur at umamin na totoong naka-relasyon niya si Hayashi na umanoy isang bading gayunman, iginiit nitong wala siyang kinalaman sa naganap na pagpaslang dito, kasabay ng pagsasabing napakabait ni Tadao para patayin. Ito din umano ang nahihingan niya ng pera pag may kailangan siya kung kayat ginawa rin umano niya itong ninong ng kanyang anak.
Samantala, positibo namang itinuro ng witness na si Reynaldo Ortillano ang suspect na siyang huling nakitang kumakatok sa bahay ni Hayashi noong linggo ng gabi bago madiskubre ang bangkay nito kinabukasan.
Lumabas sa naturang imbestigasyon na ang naganap na insidente ay isang crime of passion dahil na rin sa pag-amin ng suspect na may relasyon sila ng nasawi.
Lalong tumibay ang hinala ng pulisya laban sa suspect matapos makita ang namamagang kanang kamay nito, bukod pa sa tinamong sugat at mga kalmot sa dibdib.
Ayon kay Chief Insp. Marcelo Mariano, head ng Task Force Tadao na si Hayashi ay nasawi sa pamamagitan ng pag-untog sa ulo nito sa semento. Maaari umanong nanlaban ang biktima dahil na rin sa nakitang magulong kuwarto nito.
Kasalukuyang nakapiit ang suspect habang inihahanda ang kasong robbery with homicide laban dito. (Ulat nina Gemma Amargo at Doris Franche)