Pulis na pumatay sa kapwa pulis,sumuko na

Pikunan lamang ang dahilan kung bakit nagawang barilin at napatay ng isang pulis ang kapwa niya pulis kamakalawa ng hapon sa Pasay City.

Ito ang nabatid matapos na sumuko na kahapon ang suspect na pulis na nakilalang si PO2 Alberto Barangas, nakatalaga sa Police Community 1 ng Pasay City Police na sangkot sa pagbaril at pagpaslang kay SPO2 Francisco dela Cruz.

Ayon sa imbestigasyon ni Chief Inspector Reynaldo Barral, hepe ng Criminal Investigation Division (CID) naganap ang insidente dakong alas-3:30 kamakalawa ng hapon sa panulukan ng Gil Puyat Avenue at Roxas Blvd. sa ilalim ng fly-over sa nabanggit na lungsod.

Napag-alaman na nakaangkas umano si Barangas sa motorsiklo ni dela Cruz at sa hindi malamang dahilan ay biglang tumagilid ang motorsiklo.

Nagalit ang biktima sa angkas at pinagsabihan ito na huwag magulo, gayunman nagpakawala pa umano ng maaanghang na pananalita ang biktima na ikinapikon naman ng suspect.

Napilitan umanong sumagot ang suspect hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo.

Lalong uminit ang komprontasyon ng dalawa hanggang sa pagsasampalin ni dela Cruz si Barangas na naging dahilan upang pagdimlan ito ng paningin hanggang sa bunutin ang dala nitong baril at paputukan ng dalawang ulit ang biktima.

Pinabulaanan ng Pasay City Police na parehong lasing sa alak ang dalawa nang maganap ang nasabing insidente. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments