Pulis patay sa kapwa pulis

Isang pulis ang nasawi, matapos itong barilin ng hinihinala ring kapwa nito pulis kahapon ng hapon sa Pasay City.

Nasawi noon din ang biktima na nakilalang si SPO2 Francisco dela Cruz, may sapat na gulang, nakatalaga sa Police Community Precint 1, Pasay City Police.

Si dela Cruz ay nagtamo ng dalawang tama sa likod buhat sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Samantala, inaalam pa ng Pasay City Police kung ang kasama nitong si PO2 Alberto Barangas ang responsable sa pamamaril, na nakatalaga sa nasabing himpilan.

Sa sketchy report ng Pasay City Police, naganap ang insidente dakong alas-3:30 kahapon ng hapon sa panulukan ng Gil Puyat Ave. at Roxas Blvd. ng nabanggit na lungsod.

Si dela Cruz ay sakay ng kanyang motorsiklo at angkas nito si Barangas na pinaniniwalaang may pinagtalunan ang mga ito.

Nabatid na ang huling kasama ng biktima ay si Barangas kaya’t tinitingnan ng pulisya kung may kinalaman si Barangas sa nasabing insidente.

Sa ngayon ay blanko pa ang pulisya sa motibo ng pamamaslang sa nabanggit na biktima. (Lordeth Bonilla)

Show comments