Dalaga kinidnap bago ni-rape ng 3 anak-mayaman

Isang 27-anyos na dalaga ang umano’y tinangay at halinhinang ginahasa ng tatlong kalalakihan na hinihinalang miyembro ng isang ‘sex gang’ at pinaniniwalaang anak ng mayayamang pamilya na gumagala ngayon sa ilang lugar ng lungsod ng Makati.

Ang biktima ay itinago sa pangalang Alice, isang factory worker ng Katihan St., Brgy. Poblacion, Muntinlupa City.

Samantala, hindi pa kilala ang tatlong suspek na mabilis na nagsitakas at pawang sakay ng isang Mercedes Benz na may plakang WEG-208.

Sa salaysay ng biktima sa Children’s and Women’ Desk Section, Makati City Police, naganap ang insidente dakong alas-8:45 kamakalawa ng gabi mula sa Mandarin Hotel sa may kahabaan ng Paseo de Roxas ng lungsod na ito. Habang naglalakad umano ang dalaga ay bigla na lamang siyang pinalibutan ng mga suspek at kinaladkad papasakay sa nasabing sasakyan.

Ayon sa biktima, habang nasa loob siya ng sasakyan kasama ang tatlong suspek, nagpaikut-ikot sila hanggang sa iparada ang nasabing sasakyan sa hindi niya matandaang lugar sa Makati.

Sa loob ng sasakyan ay halinhinan umanong ginahasa ang biktima ng mga suspek.

Matapos makaraos, ibinaba ang biktima at inabandona sa lugar ng San Miguel Village, nasabi ring lugar.

Nakita ng biktima ang isang guwardiya na kasalukuyang naka-duty sa nabanggit na subdivision na tumangging magpabanggit ng pangalan at humingi siya ng tulong na naging dahilan upang makarating ang dalaga sa nabanggit na istasyon ng pulisya. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments