Sa ulat ng Pasig police, unang nilooban ng limang armadong lalaki ang Tambunting Pawnshop sa may Ortigas Ave. Ext., Brgy. Rosario, Pasig City dakong ala-1 kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Lita Hidalgo, chief appraiser ng sanglaan, biglaan umano ang pagsalakay ng mga suspek. Tatlong lalaki ang mabilis na pumasok sa kanilang opisina.
Agad umano silang tinutukan ng dalawa sa mga ito na armado ng M-16 armalite habang binabasag naman ng isa nilang kasamahan ang mga salaming estante na naglalaman ng mga alahas gamit ang isang martilyo. Nasa labas naman umano ang dalawa pang lalaki na nagsilbing look-out.
Umaabot umano sa halagang P800,000 ang mga alahas na tinangay ng mga ito na inilagay sa isang kulay dilaw na bag. Mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng isang kulay gintong Honda Civic (UFZ-101) patungo sa direksyon ng Floodway, Brgy. Sta. Lucia, nasabi ring lungsod.
Sinabi ng pulisya na hindi na umano nahirapan ang mga holdaper dahil sa wala naman umanong security guard ang naturang establisimiyento nang mga oras na sumalakay ang mga ito.
Inilarawan naman ng mga saksi ang suspek na bumasag ng mga estante na may taas sa pagitan ng 56 hanggang 58, may bilugang mukha at nakasuot ng stripe na polo shirt, kulay khaki na pantalon at naka-bonnet.
Kasalukuyang kinukumpirma ng pulisya kung ang naturang grupo ang kilabot na Martilyo Gang na sumalakay kamakailan sa Caloocan City at Quezon City. (Ulat ni Danilo Garcia)