40 banko sa San Juan walang safety alarm device

Sa kabila ng patuloy na pagtaas na kriminalidad sa Metro Manila naiiwan pa rin sa seguridad ang ilang banko matapos na madiskubre na tinataya pang may 40 banko sa bayan ng San Juan ang walang safety alarm device na nakakonekta sa pulisya sa oras ng insidente ng panghoholdap.

Sinabi ni San Juan Police chief, Supt. Rodrigo De Gracia na may 84 na mga banko sa buong bayan, at sa kanyang pakikipagpulong sa mga ito ay natuklasan nila na may 40 bangko ang hindi nagkakabit ng alarm device.

Gayunman, nangako na umano ang mga pangasiwaan nito na magkakabit na sila ng alarm device na makakatulong para mapigilan ang insidente ng holdapan.

Diretsong nakakonekta ang naturang alarm device sa San Juan Police na muli namang nagbuo ng kanilang Joint Anti- Bank Robbery Action Committee na mabilis na magreresponde sa mga insidente ng holdap.

Ayon pa kay De Gracia, inalerto na rin niya ang mga miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) at mobile patrol na umaabot sa 200 upang magbantay sa mga lugar na malapit sa mga banko. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments