Trader nabiktima ng 'Salisi Gang'

Halos dumaan lamang sa kamay ng isang negosyante ang may P273,000 na halaga ng salapi na napagbentahan niya ng kanyang kotse matapos na tangayin ito ng mga miyembro ng ‘Salisi Gang’ habang masagana siyang kumakain sa isang restoran, kamakalawa ng gabi sa Pasig City.

Lulugo-lugong iniulat sa Eastern Police District-Criminal Investigation Detection Group (EPD-CIDG) ang pangyayari ng biktimang si Eduardo Yoingco, 32, at residente ng Antipolo City.

Ayon kay Yoingco, katatapos pa lamang umano niyang ibenta ang kanyang Toyota Corolla na kotse sa isang parokyano sa halagang P273,000.

Dahil sa matagumpay na bentahan, nagyayang magselebra si Yoingco kasama ang isang kaibigan na kumain sa isang restaurant sa may Shaw Blvd. dakong alas-8:45 ng gabi.

Inilapag umano niya ang kanyang clutch bag na doon nakalagay ang pera sa kanyang tagiliran habang masaganang kumakain. Huli na nang mapansin nito na wala na ang naturang bag matapos na makakain sila.

Nabatid na dalawang lalaki at babae ang nakita ng guwardiya ng restaurant na lumabas sa naturang kainan na may bitbit na bag at nagmamadaling sumakay sa isang Tamaraw FX,

Dahil dito, sa halip na si Yoingco ang sumagot sa kanilang kinain, ang inimbita na lamang nitong kaibigan ang siyang nagbayad. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments