Sinabi ni Tom Natividad, BI Special Assistant for Intelligence on Airport Operations, na sina Mizuma Tasushi, 34; Takami Masanobu, 29 at Yokota Yoshikuni, 38, ay pawang pinabalik sa kanilang pinanggalingan.
Binanggit pa nito, na ang tatlong Japanese mafia leaders ay dumating sa bansa lulan ng Thai International Airlines flight TG-621 mula sa Kansai, Japan.
Sa immigration counter pa lamang para sa kaukulang clearing purposes ay kaagad na napuna ni BI intelligence agent Fortunato Manahan, Jr. ang kahina-hinalang ikinikilos ng tatlong Hapones habang nagsasagawa ang mga awtoridad ng profiling na standard operations procedure sa dumarating na mga pasahero.
Bunga nito, inimbitahan ng mga ahente ng BI ang tatlong Hapones, kung saan sa imbestigasyon ay natuklasang burdado ng ibat ibang uri ng makukulay na tattoo ang katawan ng mga ito at putol ang index finger ni Takami pangkaraniwang masusumpungan sa mga miyembro ng Yakuza.
Malaki ang paniwala ng mga awtoridad na ang tatlong top ranking leaders ay kabilang sa bantog na Yamaguchi Gumi Family, ang pinakamalaking Yakuza organization sa Japan na binubuo ng may milyong miyembro.
Pinaniniwalaan din ng BI na sangkot ang mga ito sa pagre-recruit ng mga kabataan at mga Pinay na gustong makapag-trabaho sa Japan sa pamamagitan ng marriage of convenience at exploitation ng mga Filipina entertainers. (Ulat ni Butch Quejada)