Estudyante grabe sa frat war

Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang 17-anyos na college student matapos na malubhang masugatan sa naganap na panibagong frat war sa harap ng isang unibersidad sa Mandaluyong City, kamakalawa ng gabi.

Inoobserbahan ngayon sa loob ng Mandaluyong City Medical Center dahil sa tinamong isang tama ng saksak sa katawan ang biktimang nakilalang si Ryan Obleza, ng #125 P. Cruz St., Mandaluyong City.

Nadakip naman ng pulisya ang tatlong kabataang hinihinalang sangkot sa naganap na rambol na nakilalang sina Noel Bernardo, Daniel Jose at Domingo Galang, pawang mga residente ng Capt. Gabriel St., Old Zaniga, Mandaluyong City.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang isang rambol sa pagitan ng magkalabang fraternity sa tapat ng Jose Rizal College sa may Shaw Boulevard.

Sa paghahabulan ng mga ito, nauwi ang labanan sa may kanto ng P. Cruz at San Rafael kung saan naabutan si Obleza ng mga nakalabang kalalakihan at dito na nasaksak ng hindi pa nakikilalang suspek.

Isinasailalim ngayon sa masusing pagtatanong ang mga nadakip upang magbigay liwanag sa insidente at mabatid ang suspek na nanaksak sa biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments