Sinabi ni Chief Supt. Rowland Albano, deputy director ng NCRPO na apat na measures ang kanilang inihanda upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral laban sa ibat-ibang elementong kriminal sa pagbubukas ng klase bukas.
Una dito ay ang pagtatalaga ng dalawa hanggang tatlong pulis sa loob ng isang paaralan sa Metro Manila. Ikalawa at ikatlo ay ang pagpapakalat ng mga bike at foot patrol na mga baguhang pulis sa labas ng mga paaralan upang magsagawa ng pagroronda para maitaboy ang mga elementong kriminal.
Habang ang ikaapat naman ay ang pagdi-display ng Watch List ng mga kriminal sa mga paaralan. Nakalagay sa mga billboards na ito ang larawan ng mga kriminal na palaging nambibiktima sa mga estudyante tulad ng mga holdaper, mandurukot at mga snatcher ng cellphone.
Sinabi ni Albano na pinaka-epektibong paraan ng pagtataboy sa mga kriminal ay ang police visibility sa loob at labas ng paaralan.
Inihayag din ng Phil. National Association of School Security Organization Inc., ang kahandaan ng mga security guard ng mga paaralan sa darating na pasukan.
Samantala, handang-handa na ngayon ang ipinakalat na mahigit 600 tauhan ng PNP-Traffic Management Group at MMDA para mangasiwa sa inaasahang pagsisikip ng daloy ng trapiko bunga ng pagbubukas ng klase bukas. (Ulat nina Danilo Garcia at Joy Cantos)