Itinakda sa darating na Hulyo 25 ng Quezon City Metropolitan Trial Court Judge Ofelia Marquez ng Branch 32 ang arraignment sa kaso nina Elvie Gonzales, ina ni Charlene at Jose "Pepito" Vera Perez Jr. na ipinagharap ng kasong concubinage ng misis ni Perez na si Bernadette Perez.
Ang arraignment sa kaso ay itinakda matapos na ibasura ng Department of Justice ang motion for reconsideration ng respondents, na humihiling na idismis ang kaso.
Ayon kay Jose, marapat lamang na ibasura ang kaso dahil sa naiharap na niya ang annulment ng kanyang kasal kay Bernadette, bago pa man ito nagsampa ng kaso laban sa kanila.
Sa kanyang reklamo , sinabi ni Bernadette na siya ay nakasal kay Jose noong Marso 12 at March 17, 1972 . Una ay sa sibil at pangalawa ay sa simbahan. Nagkaroon sila ng tatlong anak.
Limang taon ang nakalipas, naghiwalay sila ng kanyang asawa dahil sa pagkakasangkot ng huli sa ibat-ibang babae.
Taong 1992 nang matuklasan niya ang relasyon ng kanyang asawa kay Gonzales, natuklasan din niya na ang ginawa pang beneficiary nito (Perez) sa insurance noong ang kanyang asawa ay nagtatrabaho sa Phil. Air Lines ay si Gonzales at ang dalawang anak nito na si Charlene at Richard.
Binanggit pa ni Bernadette na noong lumahok sa Miss Universe Beauty Pageant si Charlene, si Jose ang kinilala nitong stepfather.
Itinanggi naman ni Elvie ang paratang. (Ulat ni Cecille Suerte Felipe)