Base sa petisyong inihain ni Atty. Alfonso Torres, legal counsel ni Atty. Rissa Oreta, tumakbong kongresista sa Malabon, Navotas, ipinatigil nito ang canvassing sa congressional race subalit hindi naman ito pinayagan ni Atty. Lea Vasquez, chairman of Board of Canvassers kung kayat nagkaroon ng pagtatalo sa loob ng bilangan upang pumasok ang mga nakatalagang sundalo ng Phil. Marine at pulis.
Dito ay sapilitang binitbit palabas ng canvassing area si Atty. Torres habang patuloy pa ring ipinagpatuloy ang pagbibilang sa utos na rin ni Atty. Vasquez.
Ayon kay Atty. Torres, gumawa siya ng petisyon upang matigil ang isinasagawang canvassing sa congressional race matapos silang makatanggap ng impormasyon na may narekober ang mga kagawad ng Malabon police na 88 election returns sa isinagawang pagsalakay sa isang bahay sa Barangay Niugan.
Natigil lamang umano ang ginagawang canvassing ng paboran ng Board of Canvasser ang naunang petisyon na inihain ng isang vice mayoralty candidate na si Virgilio Lacson laban sa katunggali nito na si incumbent Vice-Mayor Mark Allan "JJ" Yambao.
Matatandaang dakong alas-8 noong Biyernes ng gabi ay sinalakay ng mga tauhan ng Malabon City Police dala ang isang search warrant na ipinalabas ni Judge Antonio Fineza ng Caloocan RTC Branch 131 ang isang bahay sa #5 M. Aquino St. Barangay Niugan, Malabon malapit sa campaign headquarters ni vice mayoralty candidate Mark Allan "JJ" Yambao kung saan nakarekober ang pulisya ng nasabing bilang ng election returns. (Ulat ni Gemma Amargo)