Ito ang inihayag kahapon ni Director Thompson Lantion, ng PNP- Community Relations na siyang nangasiwa sa seguridad ng mag-amang Estrada, kasabay ng pagsasabing, ang special Board of Elections Inspector sa pangunguna ni Delia Burgos, acting San Juan election officer ay dumating sa nabanggit na pagamutan dakong alas-6:35 ng umaga.
Ang pagboto ni Erap at Jinggoy ay base sa ipinalabas na Resolution No. 4304 ng Comelec sa ginanap na promulgasyon nitong nakalipas na Linggo ng gabi.
Dala ng grupo ni Burgos ang mga election paraphernalias sa presidential suite.
Kabilang sa mga election paraphernalias na ito ay ang Voters Registration Record ng mag-ama at dalawang ballot boxes na may markang 268-A at 448-A.
Gayunman, dahil sa tinanghali ng gising ang dating Pangulo ay eksaktong alas-9:20 ng umaga nakaboto ang mga ito.
Matapos naman ang ginawang pagboto ng mag-ama ay mabilis na umalis ang mga Comelec officers at mga kagawad ng pulisya dala ang dalawang balot boxes na naglalaman ng boto ng mga ito.
Nabatid sa mga opisyal ng PNP na hihintayin muna nila ang resulta ng medical examinations nina Erap at Jinggoy bago sila muling ibalik sa Fort Sto. Domingo, Sta Rosa, Laguna.
Samantala, nanawagan ang dating Pangulo sa kanyang mga supporters at maging sa administrasyon na tanggapin na lamang kung ano ang magiging resulta ng eleksyon.
Ang panawagan ng dating Pangulo ay inihayag sa pamamagitan ng dating DILG Secretary Ronaldo Puno, makaraang dumalaw ito kay Estrada sa Veterans Memorial Medical Center, kahapon.
Ayon kay Puno, hinikayat ni Estrada ang kanyang mga supporters na maging mahinahon at tanggapin ang ano man ang magiging resulta nito. (Mga ulat nina Joy Cantos, Angie dela Cruz at Grace Amargo)