Sunog sa Virra Mall patuloy sa paglaki

Umabot na kahapon sa Task Force Delta ang sunog na nagsimula pa kamakalawa ng tanghali sa Virra Mall sa Greenhills Shopping Complex at lubhang nahihirapan ang mga pamatay sunog na maapula ang apoy na naging dahilan pa ng pagkakasugat ng siyam na bumbero kabilang ang kanilang opisyal sa San Juan, Metro Manila.

Nasugatan sa kanyang kanang braso si C/Insp. Eloy Gabriel, Hepe ng San Juan Fire Department habang nagbobomba ng tubig habang ang kanyang walong tauhan na di-pa nakilala ay nilapatan agad ng lunas sa mga nakaantabay na ambulansya dahil sa lubhang pagkapaso.

Ayon kay Gabriel, nahirapang pasukin ng mga bumbero ang kaloob-looban ng nasusunog na bahagi ng ikatlong palapag ng mall dahil sa masikip na bentilasyon nito habang nasa ilalim ang mga bago na pinagmumulan ng apoy at hindi mahagip ng tubig dahilan ng pagtaas ng antas ng sunog sa dating Task Force Bravo.

Mula sa dating lugar ng Jollibee food chain at mga katabing stall na una lang nahagip ay kumalat na rin ang apoy sa iba pang mga electronic stores.

Umatras na rin ang ibang mga firetrucks dahil sa kailangan ng pahinga ng mga bumbero habang may 20 fire trucks naman ang nananatili.

Inaasahan namang muling magdadatingan ang karagdagang mga firetrucks sa buong Metro Manila upang bigyang suporta ang mga nalalabing pamatay sunog.

Patuloy namang pinagbabawalan ni Supt. Rodrigo de Gracia sa kanyang mga tauhan na makapasok ang mga tao upang makatiyak na walang nakawang magaganap habang ipinakalat na rin ang mga pulis sa naturang area upang magmonitor sa mga mananamantala at mangasiwa sa trapiko. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments