Kinilala ang mga naarestong sina PO3 John Daludado, 29, nakatalaga sa Police Community Precint 1, Navotas, at residente ng 69-A First West Crame, QC; PO1 Edison Ofilan, 35, nakatalaga sa NPD Mobile Force, ng #38 Sto. Domingo st., QC; SPO1 Felipe Santaranila, 53, nakatalaga sa Caloocan city police, ng Blk 13 Lot 5 Palmera 1 Novaliches, QC at ang umanoy civilian informant na si Quirino Asilo, 30, matadero, ng 12-A Bagong Silang, Caloocan City.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawang 9mm pistol, kalibre .45 baril, mga bala, dalawang tsapa at limang handheld ICOM radio units.
Ang mga suspek ang dumukot sa 34-anyos na OFW na si Imelda Fragas noong nakaraang Biyernes.
Ayon sa pulisya, dakong alas-6:30 ng gabi ng magtungo ang mga suspek sa bahay ng biktima sa #004 Laurel st., Tondo, Manila at nag-alok na magbebenta sa biktima ng ilang compact disks.
Nang sabihin ng biktima na hindi siya interesado, agad bumunot ng kanilang mga baril at hinatak ang babae at isinakay sa naghihintay ng owner-type jeep na may plakang PSD-292.
Ayon sa report, bago nagsialis ang mga suspek, pinagsabihan ang kapatid ng biktima na si Nino, 23, na maghanda ng P100,000 kapalit ng kalayaan at kaligtasan ng kanyang kapatid.
Inutusan si Nino na magtungo sa compound ng Sto. Domingo church bandang alas-8 ng gabi ng nasabing araw para sa ransom money.
Lingid sa mga kidnaper, humingi ng tulong sa WPD-DIU si Nino at dakong alas-8:15 ng gabi, pumosisyon ang DPIU team sa naturang simbahan.
Pero nakatunog ang mga suspek sa presensiya ng mga pulis at agad nagpaputok na ginantihan naman ng DPIU operatives hanggang sa magkaroon ng maigsing running gunbattle kung saan tinamaan ang suspek na si Santaranila.
Ang engkuwentro ay nagresulta sa ligtas na pagkakarekober sa bikima at pagkaaresto sa mga suspek na nakakulong ngayon sa WPD Integrated jail at nakatakdang kasuhan.
Nabatid pa sa mga imbestigador na maaaring matagal nang sinusubaybayan ng mga suspek ang biktima bago nagdesisyong dukutin ito. (Ulat ni Mike Frialde)