Frat war: 1 katao patay, 4 sugatan

Isang miyembro ng fraternity ang napatay at apat pang kasama nito ang malubha makaraang gantihan itong barilin ng sumpak ng limang maskaradong kabataan mula sa kalabang frat, kamakalawa ng gabi sa Bagong Silang, Caloocan City.

Namatay sanhi ng dalawang tama ng bala si Paulo Jose, 17, ng Phase 84 Blk 124 Lot 40, Bagong Silang. Nakaratay naman sa East Avenue Medical Center sina Ariel Jose, 18; Christopher Pancho, 20; Boy Tabian, 35, at Joebert Dagamon, 22. Ang mga biktima ay pawang miyembro ng Black Fraternity habang kaanib naman ng White Boys fraternity ang kalabang grupo.

Nabatid kay Supt. Benedicto Gorospe, hepe ng Investigation Bureau ng Caloocan police station 1, dakong alas 7:30 ng gabi kamakalawa habang ang grupo ng mga biktima ay naglalakad sa kahabaan ng main road Phase 1 ng biglang sumulpot ang limang suspek na pawang nakamaskara at paputukan ng sumpak ang mga biktima.

Dalawa sa mga suspek ang naaresto na kinilalang sina Salvador Ramos, 17, at Jessie Real, 18. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments