Ina binalikan sa nasusunog na bahay, anak natodas

Sa pag-aakalang naiwanan sa loob ng kanilang nagliliyab na bahay ang kanyang pinakamamahal na ina, binalikan ito ng isang 45-anyos na Indian national upang iligtas ngunit lingid sa kanya ay nailabas na pala ito sanhi upang siya naman ang madisgrasya nang ma-trap sa apoy, kamakalawa ng gabi sa San Juan.

Nadiskubre ang bangkay ng biktimang si Rahajan Merpuri sa loob ng banyo ng bahay. Nagtamo ito ng 4th degree burns sa katawan pero ipinapalagay na naunang namatay ito sa suffocation dulot ng makapal na usok.

Sa ulat ni Fire Marshall Eloy Gabriel, nabatid na nagmula umano ang apoy sa pumutok na linya ng kuryente sa sala ng naturang bahay sa may #16 Jackson st., West Greenhills, San Juan.

Ayon sa mga nakasaksi, nakalabas na umano ng bahay ang biktima ngunit nagpumilit na bumalik sa loob upang iligtas umano ang kanyang 70-anyos na ina na inakala niyang nasa loob ng natutupok na bahay. Hindi umano nito nakita ang kanyang ina sa labas ng bahay kaya bigla itong kinabahan.

Wala naman siyang alam na natulungan na ng mga katulong ang kanyang ina na mailabas ito at nailagay na sa mas ligtas na lugar. Dahil sa wala nang malabasan, inakala umano nito na ang pinakaligtas na lugar ay ang palikuran ng bahay kaya dito siya nagtago at dito na rin inabutan ng kamatayan. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments