Bukod dito, nangangamba din si SPO1 Wilfredo Montecalvo ng CPD Station 1 na magkaroon ng white wash sa kaso ng tatlong suspected drug traffickers na sina Restituto Carandang, Henry Millan at Jackman Chua na pawang taga- La Loma, Quezon City matapos na mawala umano ang mahahalagang ebidensiya kaugnay sa naturang kaso.
Sinabi ni SPO1 Montecalvo sa PSN na napilitan siyang lumabas sa Chinese General Hospital kamakalawa matapos na maalis ang bala na tumama sa kanyang katawan dahil sa tinanggap nitong death threat.
Nasa nabanggit na pagamutan din ang sugatang suspek na si Jackman Chua na nabaril ni SPO1 Montecalvo ng makipagpalitan ng putok ang mga suspected drug pushers sa mga awtoridad.
Napaslang naman sa naturang encounter sina PO3 Nilo Alonzo at SPO2 Walfredo Red matapos nilang salakayin ang tahanan ni Milan dakong alas- 4:30 ng hapon noong nakalipas na Abril 5.
Binanggit pa ni Montecalvo na tanging ang kalibre. 45 baril ni Red ang iniharap sa QC Prosecutors Office gayung hindi naman nakapagpaputok si Red, habang ang kalibre. 45 baril ni Carandang at dalawang 9mm pistol at baby armalite na ginamit ng mga suspects ay nawawala.
Idinagdag pa nito na nang magresponde ang kanyang mga kasamahan ay inatasan umano ng kanilang opisyal na si Tor na huwag i-assault ang bahay bagkus ay dinisarmahan ang mga pulis kabilang ang dumating na operatiba ng Scene of the Crime Operations (SOCO).
Kaugnay nito, hiniling ni Montecalvo kay DILG Sec. Joey Lina na paimbestigahang mabuti ang naturang pangyayari dahil wala naman umanong hostage na nangyari dito, bagkus ay pinigil lamang ni Tor na salakayin ang bahay sa pakiusap umano ng isang mistah (kaklase) nitong retiradong opisyal. (Ulat ni Rudy Andal)