56 katao nagpenitensya sa kulungan dahil sa iligal na tupada

Sa kulungan nagpenitensiya ang 56 katao, matapos na madakip ang mga ito dahil sa iligal na tupada noong Huwebes Santo sa Makati City.

Napuno ng mga preso at halos wala nang mapaglagyan ng iba pang detainee ang kulungan ng Makati City Police dahil sa 56 na kalalakihan na inaresto ng mga pulis.

Ayon kay PO3 Ricky Mel Corpuz, ng General Assignment Section (GAS), nakatanggap sila ng impormasyon na isang iligal na tupada ang nagaganap sa lugar ng Tejeros Bliss, kahabaan ng H. Santos st., Bgy. Tejeros, ng nabanggit na lungsod.

Sa isinagawang pagresponde ng mga pulis, positibo ang iligal na tupada kaya’t mabilis na inaresto ang 56 katao na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o illegal cockfighting.

Nabatid na ang nasabing mga suspek ay sa loob ng kulungan nagpenitensiya. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments