Naaresto ng WPD-General Assignment Section sa kasong kidnapping sina Helen Gabriel, 40, ng #758 San Nicolas subd., Cabanatuan City at kapatid na si Rosalyn, 30, ng #3 Katubusan st., San Juan, MM.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Diosdado Logajino, tinangay ng mga suspek noong Abril 2 ang batang si Jonathan Brian Cortejos at ipinatutubos sa halagang P50,000 sa inang si Maria Lita, 26, ng #4846 Old Sta. Mesa.
Nauna rito, nakapagbigay ang ina ng halagang P11,000 sa mga suspek bilang kabayaran sa pag-aalaga ng mga ito sa kanyang anak nang siya’y magtungo sa Malaysia bilang OFW.
Pero, kinuha uli ng mga suspek ang kanyang anak ng nabanggit na petsa para padagdagan pa ng halagang P50,000 dahil kulang umano ang ibinayad ni Cortejos.
Ayon kay Cortejos, kapapanganak lamang niya noong iwan niya sa tatay ng mga suspek na nakilalang si Antonio Galindes, 70, ang kanyang anak dahil siya’y mag-aabroad.
Pag-uwi niya ng bansa ay agad itong nagtungo sa bahay ni Antonio para kunin ang bata ay nalaman niya na ipinaalaga pala ng matanda sa kanyang dalawang anak na babae ang kanyang anak sa Cabanatuan, Nueva Ecija.
Nang makapagbigay ng nabanggit na halaga, nakuha niya ang anak pero kamakalawa ay muling tinangay ng dalawang suspek ang bata at ipinatubos ng P50,000.
Dahil dito ay humingi na ng police assistance ang ina sa WPD at sa follow-up operation ay nabawi ang biktima at nadakip ang magkapatid. (Ulat ni Ellen Fernando)