Paghihigpit sa bastos na texter sinimulan na

Matapos na pormal na ilunsad ng Department of Transportation and Communications (DOTC) at National Telecommunications Commission (NTC) ang kanilang programa tungkol sa pagbabawal ng pagpapadala ng mga mapanira at bastos na text messages ay mahigpit na nagbigay ngayon ng babala si NTC Commissioner Eliseo Rio sa lahat ng mga subscriber ng dalawang nangungunang kumpanya ng Globe at Smart na kanila nang ipatutupad simula sa araw na ito ang pagtanggap ng mga pormal na reklamo.

Ang hakbang ay kasunod ng kasunduan ng NTC at dalawang nabanggit na kumpanya na kapwa magtutulungan sa mga idudulog na reklamo hinggil sa mga bastos at mapanirang text messages.

Ayon kay Rio, kanilang bibigyan ng tatlong pagkakataon ang mga inirereklamong bastos na texters sa pamamagitan ng pagpapadala ng warning sa nagpadala ng bastos na mensahe at sa sandaling hindi ito tumigil ay kanila nang iba-block ang linya nito sa tulong ng message operators ng Globe at Smart.

Agad na malalaman ng texter ang babala na kanilang isasagawa sa pamamagitan ng numerong kanilang gagamitin na 0917-2999999 para sa Globe at 0919-2999999 para sa Smart. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments