Namatay habang ginagamot sa UST Hospital sina Leony Ramos, 36, at ang kanyang biyenan na si Nenita Edna Ancheta, 65, pawang ng 1751 Sobriedad st., Sampaloc.
Kritikal naman ang sanggol na babae ni Ramos na di-pinangalanan sa naturan ding ospital bunga ng mga gasgas at bukol sa ulo na tinamo nito nang tumilapon at humampas sa windshield ng naturang taxi makaraang mabitiwan ng kanyang ina.
Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide at serious physical injuries ang sumukong taxi driver na nakasagasa sa mga biktima na si Gerry Pagampang, 36, may asawa at residente ng Mendez st., Baesa, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Wilfredo Estamacqulo, may hawak ng kaso ng Western Police District Traffic Bureau, dakong alas-10:50 ng gabi habang papatawid si Ramos karga ang kanyang sanggol at hawak sa kamay ang kanyang biyenan na si Ancheta na nasa gitna ng center island ng España sa Sampaloc nang bigla na lamang sinuyod ng taxi na minamaneho ni Pagampang ang kinatatayuan ng mga biktima makaraang mawalan ng preno ang sasakyan nito.
Sinabi pa ng ilang saksi na sa lakas ng pagkabangga sa dalawang biktima, tumilapon ang mga ito ng ilang metro ang layo at saka nabitiwan ang naturang sanggol na humampas naman sa windshield ng naturang taxi ng suspek. (Ulat ni Ellen Fernando)