Nakatakdang ipatawag ni P/Supt. Ernesto Ibay, station commander ng Jose Abad Santos police station 7 si Mrs. Berginita Saus, Filipino at Hekasi teacher sa Barrio Obrero Elem. School.
Ang aksiyon ni Ibay ay bunsod ng reklamo kahapon ng mga magulang ng apat sa 10 mag-aaral na sina Jordan Kenneth Yumang, 12; Angelo Nino Gumalico, 11; Rogamin Vargas, 12, at Harold Meltion, 12, pawang Grade V section 10 nabanggit na paaralan.
Sa pahayag ng mga estudyante, nagalit umano ang kanilang guro ng maantala ang kanilang pagbabayad sa kanilang test paper para sa tatlong araw na achievement test na nagkakahalaga ng P16 noong Lunes.
Nang singilin sila ng guro at walang maibayad ay agad umanong kinuha nito ang kanyang tsinelas at ipinalo sa mga estudyante.
Nakakuha lamang ng exam ang mga bata ng magtungo ang mga ito sa principals office at magsumbong dakong alas-3 ng hapon.
Nagbanta naman si Ibay na kung hindi magtutungo ang naturang guro sa kanyang himpilan at sagutin ang reklamo sa loob ng 24 oras ay magsasampa ito ng reklamo sa DECS. (Ulat ni Ellen Fernando)