9 kahong sugpo nasabat sa NAIA

Hindi nakaligtas kahapon sa mga nakaalertong tauhan ng Bureau of Customs (BoC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang may siyam na kahong naglalaman ng mga buhay na Mother Prawn (sugpo) na tinatayang nagkakahalaga ng P10 milyon makaraang tangkaing ipuslit ng bansa patungong Singapore.

Sa ulat na tinanggap ni NAIA District Collector Celso Templo mula kay CIIS chief Fernandino Tuason, ang mga mother prawns na itinuturing na "endangered species" ay naka-consign sa Libcap Sauper Express na may postal address sa #10 Pildera st., MIAA Road, Tambo, Parañaque City.

Ayon sa isinagawang imbestigasyon nina CIIS Asst. OIC Oscar Ablan at Special Agent II Victor Asuncion, ang mga mamahaling sugpo ay nakatakda nang isakay dakong alas-5 ng umaga sa Philippine Airlines Flight PR-535 patungong Singapore nang abandonahin sa bodega ng Philippine Skylander Inc. (PSI) sa NAIA Complex.

Ang mga prawns ay nakalagay sa 20 nang sitahin ito ng mga awtoridad kasama ang grupo ng Bureau of Fisheries Aquatic Resources (BFAR) na matagal nang nagmamanman sanhi ng mga reklamo ng mga negosyante ng Prawns sa Pilipinas.

Nabatid pa mula sa mga awtoridad na ang mga export quality prawns ay pag-aari umano ng isang Singaporean national na mayroong malaking fishpond sa Singapore ang pinaniniwalaang nasa likod ng bigong pagpupuslit.

Bunsod nito, kaagad na iniutos ni Templo ang pagpapalabas ng Warrant, Seizure and Detention ng nasabing kargamento at pormal na ipagharap ng kasong paglabag sa R.A. 8550 sa ilalim ng Section 99100 na kilala bilang Philippine Fisheries Code of 1998 ang nagsisilbing consignee at exporter.

Nakatakdang ipasailalim sa pangangalaga ng Research Development Center sa Bonoan, Binloc, Pangasinan ang illegal shipment kung saan ito dapat na pangalagaan sa tinurang habitat for aquatic fisheries. (Ulat ni Butch Quejada)

Show comments