Sinabi ni Belmonte na dalawa ang framework ng kanyang programa para sa lungsod ng Quezon at ito ay ang epektibong fiscal management at episyenteng paghahatid ng pampublikong serbisyo, kabilang na ang garbage disposal.
Isusulong niya ang mabisang paghahatid ng basic services sa mga residente ng lungsod lalo na sa kalusugan, imprastraktura at social services.
Pagtutuunan din umano niya ng pansin ang lumalalang problema sa squatting at pagpapahusay ng pangungolekta ng buwis.
Sa naging pag-atras ni Chuck Mathay na siya sanang matinding contender ng mambabatas na nag-file ng COC bilang kongresista ng ikalawang distrito ng lungsod, binigyang-diin ni Belmonte na siya ay tumakbo para pagserbisyuhan ang mga taga-QC at hindi tumakbo para kalabanin ang sinuman.
Habang sinusulat ang balitang ito, nagpahiwatig si Cong. Dante Liban ng pag-atras para sa pagtakbo bilang alkalde ng QC.
Kabilang din sa mga nag-file ng COC sa pagka-mayor sina Benjamin Samson, Romeo Mercado, Andres Ku Co, pawang Independent.
Sa pagka-vice mayor, bukod kay Angeles, tanging si Jopet Peter Sison ng LDP ang makakalaban nito.
Sa mga baguhang papasok sa politika, ang anak ni Sen. Tito Sotto na si Diorella Maria Gamboa Sotto ang tatakbo bilang Konsehal ng District 3 at Aiko Melendez sa District 2.
Umaasa naman si Belmonte na magiging maayos ang halalan sa Mayo 14.
Nauna sa nominasyon ng partido ni Belmonte (Lakas-NUCD/UMDP) ay inindoroso din ito ng Natonalist People’s Coalition ni Danding Cojuangco para maging opisyal nilang kandidato sa QC mayoralty race.
Si Belmonte ay nasa ikatlo at huling termino sa Kongreso ng ika-apat na distrito ng Quezon City. Nahirang siyang Speaker ng Kamara noong ika-24 ng Enero makaraang magtagumpay ang People Power II na nagluklok kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Nakuha ni Belmonte ang 92% ng boto ng mga kongresista sa nasabing halalan ng Speaker kung saan pinalitan niya si dating Speaker Arnulfo Fuentebella. (Malou Rongalerios/Angie dela Cruz)