Motel tinakbuhan, prosti di binayaran, bakery boy nasagasaan

Matapos hindi bayaran ang inupahang prostitute ay tinakbuhan pa ng isang bakery boy ang tinuluyan nilang motel na dahilan para masagasaan ito ng pampasaherong jeep habang tumatakas, kahapon sa Caloocan City.

Nagkabali-bali ang mga buto ng biktimang si Joel Terneda, 23, residente ng #30 P. Sevilla 3rd Avenue, Caloocan na kritikal ngayon sa Orthopedic Hospital.

Naaresto naman at nahaharap sa kasong reckless imprudence ang driver na si Mario Abapo, 29.

Ayon sa report, naganap ang insidente dakong alas-2 ng madaling-araw kahapon sa kahabaan ng Rizal Avenue, 2nd street ng mag-check-in sa Apollo Hotel si Terneda kasama ang isang umano’y prostitute.

Makalipas ang ilang oras ay iniwan ng biktima ang babae sa loob ng kuwarto nang hindi ito binabayaran at palihim na lumabas ng motel ang lalaki nang hindi rin binabayaran ang kanyang bill.

Pero, nakita ng mga roomboy ang tumatakas na biktima kaya’t kanila itong hinabol hanggang sa makalabas ng motel at makarating sa kalye na patuloy na tinutugis ng mga motel attendant.

Habang tumatakbo ay hindi namalayan ng biktima ang paparating na pampasaherong jeep na minamaneho ni Abapo at sa bilis ng takbo ay nasalpok nito ang biktima.

Ayon pa sa report, sa lakas ng pagkakabangga sa biktima ay nagkabali-bali ang mga buto nito at nagtamo ng maraming sugat sa katawan. (Ulat ni Matthew Estbillo)

Show comments