Personal na pinangunahan kahapon nina National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Edgar Aglipay at San Juan Police Chief Supt. Gilbert Cruz ang paglulunsad ng bago nilang programang "Pulis Mo, I-Text Mo".
Sinabi ni Cruz na bumili na sila ng dalawang unit ng cellphone na ilalagay nila sa Tactical Operation Center (TOC) na siyang makakatanggap ng mga text messages mula sa mga residente.
Ang numero ay 0919-4536973 at 0917-3500922. Dalawamput apat na oras na nakabukas ang naturang mga linya upang tumanggap ng mga paghingi ng responde ng mga residente sa mga nagaganap na krimen.
Sinabi rin ni Cruz na naisip nila ang gimik na ito dahil sa pagiging kalat na ng cellphone sa mga tao sa Metro Manila.
Mas madali umanong makapag-uulat ng mga kasalukuyang nagaganap na krimen na masasaksihan ang mga tao dahil sa anim sa 10 katao ang may cellphone.
Sa mga natatanggap na mga mensahe, beberepikahin muna umano ng mga pulis ito bago sila rumesponde dahil sa pangambang panloloko lamang ito.
Binalaan naman ni Cruz ang sinumang magtatangkang lokohin ang pulisya na pilit nilang iti-trace ang kanilang cellphone numbers upang makilala ang may-ari at maaresto. (Ulat ni Danilo Garcia)