Namatay habang ginagamot sa MCU Hospital sanhi ng mga palo ng tubo sa ulo at katawan ang biktimang si Apolonio Santos, 70, isang retiradong pulis-Malabon.
Agaw-buhay naman sa nabanggit ding pagamutan sanhi ng pamamaga ng mga katawan at mukha ang asawa nitong si Marcelina, 56, at kapatid nitong si Mercy Torres, 46, pawang residente ng #123 Bayanihan st., nabanggit na lungsod.
Nakatakdang kasuhan ng parricide ang nakakulong na suspek na si Norberto Santos, 35, walang trabaho.
Sa imbestigasyon ng Caloocan police station 3, dakong alas-10 kamakalawa ng gabi ay nanonood ng TV ang walang kamalay-malay na mga biktima at suspek sa loob ng kanilang bahay ng bigla na lamang paluin ng suspek ng tubo ang tiyahing si Mercy.
Mabilis na nakalabas ng bahay ang tiyahin at humingi ng tulong, habang ibinaling naman ng suspek sa mga magulang ang pagwawala at pinaghahataw ang mga ito ng tubo.
Naawat lamang ang suspek ng magdatingan ang rumespondeng mga pulis habang isinugod sa ospital ang mga biktima.
Nabatid na labas-masok sa Mental hospital ang suspek dahil na rin sa pagkagumon sa droga. Isa umano itong ex-convict at nakulong nang ilang taon sa Bilibid Prisons matapos makapatay ng isang Scout Ranger ng Philippine Army at nakalaya lamang ng mabigyan ng parole.
Bago ang krimen ay napasok itong muli sa Mental pero tumakas at umuwi sa kanilang bahay. (Ulat ni Gemma Amargo)