Ginang sumuka ng dugo sa gulpi ng utol ni Edu

Sumuka ng dugo dahil sa matinding gulpi ang isang 26-anyos na ginang mula sa kamay ng kanyang live-in partner na nagpakilalang kapatid umano ng aktor at Makati City Vice-Mayor Edu Manzano, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Si Joy delos Reyes, nakatira sa Room 809 Asiawealth Tower na matatagpuan sa #1836 Leveriza st., ng nasabing lungsod ay nilalapatan ng lunas sa hindi nabanggit na pagamutan.

Samantala, ang suspek ay nakilala namang si Miguel Manzano alyas Attilla Arkin, 42.

Sa imbestigasyon ng pulisya, ginising umano ng suspek ang biktima upang paaminin na may iba itong lalaki na itinanggi naman ng babae.

Nagalit ang suspek at simula alas-6 hanggang alas-8 kamakalawa ng gabi ay pinaggugulpi nito ang babae na naging dahilan upang sumuka ng dugo at magkasugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nabatid na naawat lamang ang suspek matapos magpanggap ang biktima na hindi makahinga dahil sa matinding gulping sinapit nito.

Humingi ng saklolo sa mga pulis ang biktima at naaresto ang suspek.

Nabatid na ang suspek ay nagpakilalang kapatid ng aktor na si Edu Manzano. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments