Parañaque residents tutulong kay Vizconde

Matapos maungkat sa ginaganap na impeachment trial ni Presidente Estrada ang kontrobersiyal na kasong Vizconde massacre, nagpahayag ng kahandaang tumulong ang isang grupo ng mga concerned citizens sa biyudong si Lauro Vizconde upang matyagan ang mga kaganapan sa kaso na magbibigay daan sa pagkakamit ng hustisya.

Ayon kay Isagani Caabay, executive officer ng bagong tatag na Gising Bagong Parañaque (GBP), ang mapagmasid na mata ng mamamayan ay mainam na sandata para bantayan ang anumang pagtatangka na ibaon na sa limot ang 10-taong kaso.

Noong Miyerkules ay ibinulgar ni Senator-Judge Rene Cayetano sa isang privilege speech ang pagtatangka ng Pangulo na mapawalang-sala ang convicted suspek na si Hubert Webb, anak ni dating senador Freddie Webb, sa pamamagitan ng paghiling kay Parañaque RTC Judge Amelita Tolentino na "I-acquit na lamang si Webb dahil mahina naman ang kaso."

Bagamat life ang hatol ng Paranaque RTC kay Webb at anim pang akusado nito ay nananatili pa ring nakabinbin sa Supreme Court ang naturang kaso.

Sinabi ni Vizconde na planong bumalik sa puwesto ni Freddie Webb bilang congressman ng Pasay. Kapag umano naging congressman ito ay maaaring maimpluwensiyahan nito ang kaso at muli na namang malapastangan ang hustisya sa bansa. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments