Staff ni Senator Guingona dinukot ng 11 armado

Isang staff ni Senator Teofisto Guingona ang dinukot ng 11 armadong lalaki sakay ng dalawang taxi habang nakatayo ang biktima sa tapat ng kanilang bahay sa Sta. Cruz, Maynila kahapon ng tanghali.

Kinaladkad ng mga di kilalang suspek si Alberto Saulog, 29, ng 1719 Milagros st., Sta. Cruz at sapilitang sinakay sa nag-aabang na isang taxi sa kanto ng San Lazaro at Milagros sts., dakong alas-12 ng tanghali.

Ayon sa biyenan niyang si Flora Yumol, 46, nakita niya ang pangyayari at tinangka niyang pigilan ang mga suspek pero tinutukan ito ng baril at sinabing sundan na lamang sila sa Quezon City.

Ayon kay SPO2 Herman Limayo ng General Assignment Section ng Western Police District, nakuha ng ilang saksi ang plaka ng kulay puting Twasco taxi (PYK-884) na isa sa mga sinakyan ng mga suspek.

Ayon pa sa biyenan, wala umano silang alam na kasong kinasangkutan ng biktima maliban sa naganap na insidente kamakalawa kung saan tinutukan umano ang kanyang manugang ng baril ng isang hindi kilalang lalaki na sakay ng isang kotse.

Nakatayo si Saulog malapit sa kanilang lugar ng muntik na itong masagasaan ng isang humahagibis na kotse. Dahil dito ay sinigawan at namura umano ni Saulog ang driver pero binalikan siya at tinutukan ng baril.

Nabatid na ang plaka ng kotseng sinasakyan ng lalaki ay ULW-465 na ngayo’y tinutunton na ng mga awtoridad.

Gayunman, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon kung may kaugnayan din ito sa umiinit na pulitika kung saan si Sen. Guingona ay kilalang laban sa administrasyong Estrada. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments