Nainis sa salitang Bikol, nanaksak

Matapos na akalaing niloloko siya ng kanyang kasama, pinagsasaksak ng isang 40-anyos na lalaki ang kanyang kabarkada nang tanungin niya kung ano sa Bikol ang salitang lasing na sinagot naman ng biktima na "burat", kamakalawa ng gabi sa Marikina City.

Naghihingalo ngayon sa loob ng Amang Rodriguez Medical Center (ARMC) ang biktimang si Antonio Joseph, may asawa at residente ng M.H. del Pilar st., Bgy. Calumpang, Marikina City.

Pinaghahanap naman ngayon ang nakatakas na suspek na si Romelio Puron, walang permanenteng tirahan. Bitbit din nito ang double blade na jungle knife na ginamit nito sa krimen.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng gabi sa may M.H. del Pilar st., naturang barangay. Katatapos lang mag-inuman ng dalawa ng magtanong ang suspek kung ano sa Bikolano ang salitang lasing.

Sinagot ito ng biktima na salitang "burat" ang katumbas ng lasing sa Bikol. Dito nagalit ang suspek hanggang sa tuluyang napikon ang suspek at pinagsasaksak nito sa sikmura ang biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments