Naaresto ang suspek na si Fernando Simbulan,28, ng #705 Leo st., Sampaloc, Manila at nahaharap sa mga kasong carnapping at theft.
Nabatid na binuksan ng suspek ang kulay gintong Starex van na may plakang WFW-971 na pag-aari ni Estela Nable, 54, ng #7357 Rosal st., Marcelo Green Village, Parañaque City habang nakaparada ang naturang van sa tapat ng Greenhills shopping complex.
Ayon kay Nable, bumili lamang siya ng cellular phone at iniwan ang kotse sa parking lot, pero pagbalik niya ay nahuli niya sa akto ang suspek na tinatangay ang mga nakabalot na mga regalo na may kabuuang halagang P5,000.
Nang kanyang sitahin ay agad nagtatakbo ang suspek at nakarating sa Ignacio Avenue sa Quezon City at dito ay sumakay sa isang nakaparadang kulay puting Honda Civic na may plakang TPM-853 at agad na pinasibad. Ang kotse ay napag-alamang pag-aari ni Bernadette Sembrano, reporter/newscaster ng GMA-7.
Agad na rumesponde ang security guards ng Greenhills at elemento ng San Juan police hanggang sa magkaroon ng habulan. Naipit naman sa trapiko si Simbulan sa tapat ng Music Museum, QC kaya naabutan ng mga awtoridad.
Isa sa mga sekyu na humahabol ang bumasag sa salamin ng kotse para pigilan ang suspek na mapatakbo ang sasakyan. Narekober sa suspek ang mga bagay na ninakaw nito maging ang kotseng kanyang tinangay. (Ulat ni Danilo Garcia)