Respiratory illness darami

Inaasahang dadagsa na naman ang kaso ng respiratory illnesses sa paghihiwalay ng taon at ito ay dahil na rin sa mga masusunog na pulburang hahalo sa hangin at inaasahang masisinghot ng halos lahat ng makikipagsaya sa paghihiwalay ng taon.

Nabatid na malalagay sa tinatayang 3.75 % ang itataas ng mga sakit tulad ng tuberculosis, hika, sinusitis at iba pang respiratory tract related illnesses ayon sa Department of Health.

Dahil dito ay sinabi ni Sec. Alberto Romualdez Jr. na mahalagang ang lahat ay magsara ng kanilang bintana, pintuan at magtakip ng kanilang ilong upang matiyak na hindi nila masisinghot ang usok at iba pang masusunog na pulbura na naglalaman ng toxic element na tulad ng mercury at iba pang nakakalasong elemento.

Inaasahan din na dadagsa sa mga pagamutan ang mga mapipinsala ng mga paputok kaya naman nakahanda na sa halos lahat ng pagamutan sa buong bansa sa loob ng 24 oras ang red at yellow lane emergency wing.

Ang nasabing yellow lane ay para sa mga mabibiktima ng paputok na hindi gaanong grabe habang ang red lane naman ay para doon sa mga seryosong mapipinsala ng mga paputok.

Nabatid pa na nakipag-ugnayan na rin ang DOH sa PNP para sa kanilang puspusang kampanya laban sa mga indiscriminate firing of guns ngayong paghihiwalay ng taon.

Sinabi ni Romualdez na walang aaksayahing oras ang DOH at PNP upang hindi matukoy ang sinumang lalabag sa anti-indiscriminate firing of guns law ngayong Bagong Taon.

Matatandaan na higit na bumaba ang bilang ng mga nabibiktima ng mga ligaw na bala simula ng pag-ibayuhin ang kampanya laban sa indiscriminate firing of guns. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments