Misis, ginulpi ng live-in at kalaguyo

Isang 27 anyos na ginang ang bugbog sarado matapos na ito ay pagtulungang hatawin ng silya ng kanyang live-in partner at kalaguyo nito nang mahuli sa akto ng una ang dalawa na magkasama sa iisang bahay kamakalawa ng hapon sa Pasay City.

Nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang biktimang si Vivian Alolor, residente ng no. 85 Sitio Wela, Brgy. Pag-asa II ng nasabing lunsod.

Sa salaysay ni Alolor na ang insidente ay naganap dakong alas 5:30 ng hapon ng magtungo ito sa kalapit na bahay para tawagin ang kanyang anak.

Nagulat ito ng makita ang mga suspek na sina Rolando Bandejas, 37 at ang kalaguyo nitong si Thelma na naglalambingan kaya agad itong nagselos at kinompronta ang dalawa.

Matapos ang komprontasyon ay agad hinawakan ni Bandejas ang dalawang kamay nito at pinabayaan ang kalaguyo na siya ay hatawin ng silya.

Nagkaroon ng pagkakataon na makatakas si Alolor at agad nagsumbong sa himpilan ng pulisya upang ipagharap ng reklamo ang mga suspek. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments