Mga santo sa simbahan pinagsasampal, ibinalibag ng ginang

Isang 44-anyos na babae na hinihinalang may diperensya sa pag-iisip ang dinakip ng pulisya makaraang pagsasampalin at ihagis ang dalawang estatwa ng santo sa loob ng simbahan dahil sa umano’y di nito pagsagot sa kanyang ipinapanalangin, kahapon ng umaga sa Sta. Cruz, Maynila.

Sa pangunguna ni Supt. Juanito de Guzman, hepe ng Western Police District Station 11, inaresto ang suspek na nakilalang si Grace Mabalot, residente ng Sapang Palay, Bulacan matapos na magresponde ang mga ito sa Sta. Cruz church.

Sinabi ng ilang saksi sa pulisya na tahimik silang nagdarasal dakong alas-11 ng umaga kahapon nang biglang mapansin nilang pumasok si Mabalot at kaagad na nagtungo sa tapat ng santong Our Lady of Pillar, santong patron ng España at San Antonio de Padua. Ito rin ang santo ng mga kaluluwang naliligaw na nakapuwesto sa bandang gilid ng naturang simbahan.

Ilang saglit pa ay nakita ng mga deboto si Mabalot na taimtim na nagdarasal habang kinakausap ang isa sa dalawang santo na parang may hinihinging pabor na siya ay pagbigyan sa kanyang panalangin.

Bigla na lamang nagulantang ang nagsisipagdasal nang biglang magsimulang duruin ni Mabalot ng kanyang hintuturong daliri ang mukha ng santo at nagsasalita na parang inaaway ito.

Kasunod nito, nakita ng ilang saksi na pinagsasampal ni Mabalot ang santo ng Our Lady of Pillar at ibinalibag sa sahig na nagresulta sa pagkaputol ng ulo nito.

Hindi pa nasiyahan, dinampot muli ni Mabalot ang estatwa ni San Antonio de Padua at hinagis paitaas at nang bumagsak na sa sahig ang naturang estatwa at makitang nagkahiwa-hiwalay ay sabay na tumawa ng malakas na parang isang demonyo.

Mabilis na naawat ng security guard ng naturang simbahan si Mabalot bago pa tuluyang makapanakit at makapinsala ng malaki at mabilis na dinala sa istasyon ng pulisya. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments