Mag-lolo tiklo sa panghoholdap ng taxi

Naaresto ng mga tauhan ng Central Police District (CPD) ang itinuturing na pinakamatandang holdaper dahil sa kabagalan ng kanyang paglalakad kasama ang kanyang apong babae matapos holdapin ang isang taxi driver, kahapon ng madaling-araw sa Cubao, Quezon City.

Kinilala ang mga suspek na sina Genaro Garlarenia, 61, at kanyang apo na si Maryann Estores, 25, ng Corazon de Jesus st., San Juan. Nakatakas naman ang isa pa nitong apo na si Eric King.

Sa ulat ng pulisya, bandang ala-una ng madaling-araw nang sumakay ang matanda kasama ang dalawa niyang apo galing sa Greenhills, San Juan sa minamanehong taxi ni Oscar Gonzales at nagpahatid sa 6th st., Cubao.

Pagsapit sa kanto ng 6th st. ay bigla siyang tinutukan ng ice pick sa tagiliran at kinuha ang magdamag na kinita nitong P1,500.

Nang bumaba ang mga suspek ay mabilis na humingi ng tulong sa mga barangay tanod ang driver.

Dahil sa kabagalan ng paglalakad ng matanda ay naabutan ito ng mga awtoridad kasama ang kanyang apong babae, habang nakatakas naman si Eric.

Nakapiit sa CPD detention cell ang mga suspek habang inihahanda ang kasong robbery/hold-up laban sa mga ito. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments