Kinilala ang biktimang si Ricardo Ragadio Medina, 47, may asawa, nakatira sa #2629-B Interior 25, Dagupan Extension, Tondo, Manila.
Samantala, ang suspek ay nagpakilalang Captain dela Cerna, na mabilis tumakas matapos tangayin ang alahas at pera ng biktima na hindi pa batid ang halaga.
Sa salaysay ni Medina kay PO1 Reuel Riodique, ng Theft and Robbery Section, Makati City police, dakong alas-2 kamakalawa ng hapon habang binabagtas niya ang kahabaan ng Bagtikan st., Bgy. San Antonio Village ng nasabing lungsod nang bigla siyang hinarang ng suspek at dinadakip siya dahil iimbestigahan umano siya.
Tinanong ng biktima kung ano ang kanyang kasalanan at bakit siya inaaresto at ayon dito, hindi siya sasama dahil nilalakad niya ang kanyang papeles at aalis na siya patungong ibang bansa.
Subalit hindi siya pinansin ng suspek at pinosasan siya at sapilitang isinakay sa isang taxi na ayon dito, dadalhin siya sa Presinto 9 upang imbestigahan.
Pagdating nila ng Magallanes, bigla siyang tinutukan ng baril ng lalaki at nagdeklara ng hold-up.
Tinangay ang kanyang mga pera at alahas at tuluyang tumakas ang suspek. Mabilis namang nagtungo si Medina sa tanggapan ng Makati City Police upang ireklamo ang sinapit niya. (Ulat ni Lordeth Bonilla)