Kinilala ni PO2 Edwin Duka ng Homicide Section ng Taguig police ang biktimang si Joel Redega, 23, construction worker, ng #23 Aguinaldo cmpd., Baybreeze nasabing bayan na tinadtad ng bala sa katawan, bali ang kaliwang braso at busalsal ang nguso na tanda na pinahirapan ito.
Samantala kinilala ang umanoy utak ng krimen sa apelyido nitong Dionisio, nagmamay-ari ng ilang palaisdaan sa nasabing bayan, samantala ang tatlong kasama nito ay hindi pa nakilala.
Sa imbestigasyon ng pulisya base sa nakalap na impormasyon mula sa mga kaanak ng biktima at ilang nakasaksi sa pagdukot, nitong nakaraang Nobyembre 7 dakong alas-4 ng hapon sa harapan ng INP Resort, Bgy. Baybreeze ng dukutin ang biktima kasama ang dalawa pang kabataan, isa dito ay nakilala sa pangalang Ryan.
Puwersahang isinakay ang tatlo sa isang bangka subalit ang dalawa ay tumalon mula sa bangka at nakatakas kung saan naiwan ang biktima.
Makalipas ang anim na araw, dakong ala-una kamakalawa ng hapon ay natagpuan ang hubad na bangkay ni Redega na lulutang-lutang sa Laguna lake.
Isang follow-up investigation na ang isinasagawa ng pulisya. (Ulat ni Lordeth Bonilla)